nuffnang

Monday, February 25, 2013

Magtanong ay 'di biro: Bakit kaya nagagalit ang mga matatanda kapag sumasabat ang mga bata sa usapan ng mga matatanda....




Tanong mula kay Ms. Leeh ng www.daisylee-saberon.blogspot.com

TANONG: Bakit kaya nagagalit ang mga matatanda kapag sumasabat ang mga bata sa usapan ng mga matatanda? Pero silang mga matatanda mahilig makisali sa usapang pambata?


~~~~~~
DISQUALIFIED KA SANA DAHIL DALAWA TANONG MO, ISA LANG DAPAT. HEHE

Kaya nagagalit ang mga matatanda ay dahil hindi sinungaling ang mga bata. Ayaw isali ng mga matatanda ang mga bata dahil baka may marinig silang sekreto na hindi dapat ipagsabi sa iba, tapos ipagkuwento sa iba. Halimbawa, pinagkukuwentohan ng mga matatanda ang kapitbahay nilang may alipunga, hadhad, buni, at kung anu-ano pang sakit sa balat. Kung maririnig ‘yun ng isang bata, at sa paglabas niya ay naging kalaro nito ang anak ng kapitbahay nilang may collection ng sakit sa balat, malaki ang tsansa na sasabihin ito sa kalaro. 

“Narinig ko kanina sa usapan nina nanay at aling rosa, nangungulekta daw ang nanay mo ng mga sakit sa balat, tulad ng alipunga, hadhad, buni at kung anu-ano pa na hindi ko na matandaan, ano kaya ang mga yun?” Tapos uuwi ang kalaro nito, itatanong sa nanay niya. “Nay ano po ang alipunga, hadhad, at buni?” sasagot naman ang nanay ng bata, “Anak bakit mo naman natanong mga ‘yan?”, tapos sasagot ng "Eh kasi sabi ni Junjun mayroon ka daw nun, sabi daw yun ng nanay niya at ni aling rosa.

PATAY NA!

Kaya para maiwasan ang ganyan, sinasabi ng mga matatanda na huwag sumali sa usapan ng mga matatanda ang bata. Gets, gets aww na??

Sagot sa pangalawang tanong.

Kaya mahilig makisali ang mga matatanda sa usapan pambata ay dahil natutuwa sila, natutuwa kayo. Masarap maging bata, gusto mo ito mabalikan pagtanda mo rin. Lahat ng matanda ay gustong mabalikan ang kabataan na masaya, malakas, walang problema sa mundo at malaya.


Hanggang sa muli earthlings.


Friday, February 22, 2013

Dear Kuya Mark Zuckerbkafndreg



-Sulat ko ito mula sa FACEBOOK FAN PAGE ko (Naks ako na ang may FB fan page), sa mga mahihilig ng mga nakakatuwang litrato na ninakaw kung saan-saan lang, pero minsan lang naman ay nakakapost ako ng sariling gawa ko. 

-Matagal na ito don sa FB Note ko, at dahil wala akong maipost dito, repost ko nalang ito.

iTo nA!


SUGGESTION LANG FACEBOOK


Kanina pagkatapos ko magbanyo at patulog na sana ako nang biglang umandar ang gilingan ng kalokohan sa utak ko, kaya napabangon bigla, nagkamot ng kuyukot at inamoy. Mga ganitong pagkakataon kasi ay hindi ko dapat palanpasin, dahil bihira na talaga ngayon gumiling ng kalokohan ang utak ko, nagkakalawang na ang makina. Kahit nga panghuhuli ng mga ligaw na guni-guni ay hirap na hirap din ako at bago pa mapunta sa kung anu-anong katsuktsakan itong mga pinagsasabi ko ay uumpisahan ko na ang dahilan kung bakit naudlot ang paghihiwalay ng katawan at kaluluwa ko pasamantala.

Ito’y dahil sa FACEBOOK.

Hindi ko na kakailanganin pa ng explanation tungkol dito, ang dami na natin nabasang blog o sulat na ang topic ay tungkol sa facebook. Siyempre, meron din ako noh? Pero kakaiba ito, hindi ito tungkol sa kaadikan o mga nangyayari at nagaganap sa facebook, hindi ito tungkol sa pagpopost sa status ng mga drama o problema sa love life o ang tungkol sa kapangitan ng kaibigan mo, at hindi ito tungkol sa pagpopost ng mga….ewan alam na niyo ang mga ‘yun. Ito ay suhestiyon ko sa facebook. Oo ako na suma-suggestion kay kuya Mark Zuckerberg.

May dalawa akong suggestion na sana mayroon o magkaroon ang facebook.

Una, Sana may expiration ang "Facebook Friends"

Kailangan after 6 months ay mag-send sayo uli ang friend mo ng request na gusto pa niyang maging Facebook Friend mo, kung hindi ay automatic na itong madedelete sa friend list mo. Ang astig at angas lang nun, diba?

Ganun, ganito 'yan....

After 6 months ay may notification na lalabas na "Renew your friendship with Akoni" ganyan. Tapos pagclick mo ay may button na "YES" at "NO". Pag YES ang pinili mo, automatic na itong magsesend ng notification sa akin na gusto mong mag-extend pa ang pagiging facebook friends natin. Pagkarecieve ko naman at pagclick sa notification, may lalabas din na button na "Allow" at "Dump". Pag allow ang pinili ko, ibig sabihin ay gusto pa kita ulit maging friend sa loob ng anim na buwan. Kung Dump, ibig sabihin ay gusto na kitang itae, gusto na kitang mawala sa facebook friends ko, automatic kanang madedelete. Pero puwedi ka pa naman magsend ulit ng friend request sa akin, may second chance parin.

Sa ganyan paraan ay maiiwasan natin maging dekorasyon lamaang sa “friend list” ng iba. Malalaman mo pa kung sino ang ayaw nang magrenew ng facebook friendship sa'yo, LOL. Tapos puwedi kang mag-inarte, dump ka lang ng dump sa mga ayaw mong ma-extend ang friendship sa facebook.

Sa ganitong paraan din ay magkakaroon ng bonding ang mga users ng facebook, siyempre kailangan nilang kaibiganin talaga ang mga nasa friend list nila lalo na yung mga crushes o gusto nila, kailangan maging mabait sa lahat para hindi ma-DUMP after 6 months. Kapag may ganito na, sigurado ako ang totoong magkakaibigan lang ang magiging magkafacebook lamaang, diba? At sigurado ako na kapag may ganyan na ay maraming mabubuong pagkakaibigan sa facebook, hehehe.

2. Sana may kasamang explanition ang bawat friend request.

Ang astig at ang angas lang, kapag magsesend ka ng friend request sa isang tao, kailangan mo magpaliwanag ng hindi lalagpas sa 60 words at hindi bababa sa 50 words kung bakit ka nagsend ng friend request sa kanya. Required yan, hindi masesend ang friend request kung walang kasamang explanation.

Sa ganyan paraan ay maiiwasan ang sunod-sunod na friend request galing sa kung sinu-sino nalang na hindi mo kakilala. Mapapagod pa magpaliwanag ang mga taong walang ginawa kundi magpadami ng facebook friends, inaadd kahit sino para lang dumami ang friends nia. Sa una palang ay malalaman mo na kung kakilala mo ang nagrerequest o gusto lang makipagkaibigan.

Kung pakikipagkaibigan lang naman ang intention mo, ilagay mo sa explanation box na gusto mo siya maging kaibigan, na hindi mo siya kilala pero gusto mo siyang kaibiganin, makiusap ka, diba?

Example:

Hello, ako si Akoni, hindi kita kilala at hindi mo rin ako kilala pero nagsent ako ng friend request sa’yo dahil gusto kitang maging kaibigan. Maraming salamat! At dahil kailangan umabot ako ng 50 words, kunwari ay may sinasabi pa ako dito sayo na may sense. Sana ay accept mo ang friend request ko. Mwah!

At kung kakilala mo naman, magkwento ka sa kanya kung bakit nagsesend ka ng friend request sa kanya.

Example:

Walang hiyang kamote na yan, ikaw pala ‘yan? Hahahaha, hanep ah…hindi ko akalain na maaaring magmukhang tao pala ang kamote. Langya, dati eh kulay champorado ka Lang pero ngayon kulay champorado ka parin pero may gatas Na, hahahaha. Batik-bati na mukha mo, black and white na. HOY accept mo friend request ko hayop ka.

Oh diba ang astig, magkakaroon ng explanation box ang friend request at magkakaroon ng expiration ang facebook friendship?


Oo, naisip ko pa 'yan. Ganito lang talaga kapag napadami ang nakain na betsin.

~~~~~~

-Oh ayan, sa mga nag-aabang ng update ko rito sana ay nag-enjoy kayo at may natutunan kayo ng kunti. Hehehe. At sana nasagap ninyo ang mensahe na gusto kong iparating.



Saturday, February 9, 2013

Palabas VIII: May tanong ka ba? May sagot ako eh.



Bigla kong naalala na may portion pala na “Itanong mo kay Akoni: May tanongkaba, may sagot ako” dito sa akonilandia. Buti nalang may nagpadala ng tanong mga ilang araw na ang nakakalipas, kaya naalala ko na may mga hindi pa pala ako nasasagot, pasensya na earthlings dahil makakalimutin na lately ang inyong hari.


Tanong mula kay Richie ng www.1man1world.blogspot.com
What is the essence of being a man?

Masyadong malawak at seryoso na tanong, pang Mr. World. Naghahanap ng matinong sagot sa isang matinong nilalang na siyang hindi makikita sa akin, magkagayun pa man ay sasagotin ko ito.
Siguro ay ang maging mabuting mamamayan at maging maboteng kaibigan, at maging mabuting kapitbahay lalo na kay kumare. Magkaroon ng concern sa kalikasan, gaya ng hindi pagkakalat sa kung saan-saan, magtanin ng puno, huwag umihi sa pader (sa mga lalake, sa mga babae ayos lang), at magbayad ng pamasahe sa jeep dahil God knows hudas not pay. Maging good citizen ka ika nga, magkaroon ng disiplina sa sarili. At maging si Batman sa gabi.

Mula kay Brave-heart
Baket masama ang magpakamatay? Baket napupunta sa hell? 

-Kaya masama ang magpakamatay ay dahil mapupunta ka sa hell, sobrang masama ang hell, gusto mo mapunta don? 
-Kaya napupunta sa hell dahil nagpakamatay. Ganyan lang kasimple.
Laging tandaan lahat ng makakasama sa tao ay masama. Malinaw na malinaw pa sa singit, na ang pagpapakamatay ay makakasama sa tao kaya masama ‘yan.


Tanong mula kay momosan
Kuya bakit po hindi namamatay ang puno ng saging pagtinanggal ang puso nito? 

Iha, hindi puno ang saging, isa itong malaking halaman-damo o herb. Kaya hindi ito namamatay dahil puso lang ang tinatanggal hindi ang buhay nito. Tulad din ng mga taong walang puso, hindi rin sila mamatay-matay. Ganun lang ‘yun. *Tumunog ang kantang pusong bato*

Kung may gusto pang malaman, itanong mo na dito, at sasagotin ko kapag hindi na ako busy at nasa good mood. Hehehe

Ito naman 'yun mga nasagotan nang mga tanong: Nganga and Enjoy.




Tuesday, February 5, 2013

Sana kahapon ako pinanganak, buwesit!!!






Disclaimer: Mabuwesit ka kung gusto mo mabuwesit…

Alam ko sa panahon ngayon ay hindi na uso ang walang girlfriend(s) at boyfriend(s) naman sa mga babae. Kung meron man wala (BF/GF) ay kunting kunti nalang sila, kasing dami nalang nila ang mga matitinong pulitiko sa atin. Hindi tulad talaga noon kapanahonan namin (Putcha ang tanda ko na) na talagang luluha ka ng pawis, dudugo muna ang utak mo at kamay mo dahil sa kakasulat ng love letters bago ka magka-girlfriend. At kung anu-ano pang pagsubok ang ipapalasap sa’yo ng babae bago mo maamoy kung ano ang brand ng pabango niya, tapos hanggang kiss lang ang pinaka-peak ng “base”, sa pisngi  pa, buwesit, buwesit talaga, sana hindi ako pinanganak kahapon.

Ang “First base” noon ay makatabi mo ang crush mo. Nasa alapaap kana noon kapag nakatabi mo ang crush mo. Nagmimistulang parang robot ako non kapag magkatabi kami sa umupoan ng crush ko, panay pakyut ako, alam mo ‘yun, yung bawat kilos mo ay dapat nasa tamang angkulo ang dating sa kanya? Mamaya pag-uwi ipagyayabang na, na katabi ko kanina si Kuwan sa upoan, sarap ng feeling sabi ng rebisco.

Ang “Second base” ay makausap mo na ang crush mo. Putcha halos mawasak ang kama ko pagsapit ng gabi dahil sa kilig, dahil para akong bulate na pagulong-gulong sa ibabaw ng kama. Taas noo sa mga kaklase, sempre nakausap ang pinakamagandang babae sa school eh, nakasecond base. Hindi pa uso noon ang “pagnasaan” sa isip.

Ang “Third base” ay mareplayan ang love letter mo na pinaliguan ng pabango na inipit sa kanyang notebook o libro. Parang nagkakaorgasm ka dahil sa saya habang dahan-dahan mo binubuksan ang liham pagkatapos mo ito amoy-amoyin at sundin ang nakasulat na “Smile before you open”, putcha ang lakas ng kuryente ng kilig non.

Ilan lang yan sa mga “base” kahapon (kahapon nalang gagamitin ko kasi parang Jurassic na ang dating ng noong unang panahon), kapag nangyari saiyo yan  noon sobrang saya mo na, halos sumabog kana sa sobrang tuwa. Lalo na kapag nahawakan mo na ang kamay dahil girlfriend mo na. Grabe na ang level mo, hard core ka na p’re, isa ka nang alamat sa mata ng mga kaklase mo na kulang nalang ay ipagtayo ka nila ng rebulto at alayan ng mga bulaklak at prutas dahil sa paghanga nila sayo. Ganyan katindi kahapon, mababaw lang ang kilig, kunti lang ay kikiligin na, hindi tulad ngayon na ang lalim na at ang init pa at mamasa-masa pa (If you know what I mean) LOL.

Ngayon ang pinaka-peak ng mga “base” ay “Nabuntis na ang girlfriend o nakabuntis ng babae (sempre)”. Napapahiling tuloy ako minsan ng may halong pagsisisi at puot sa akin budhi na sana hindi ako pinanganak kahapon, LOL.

1990’s noong kumalat sa lugar amin (ewan ko kung ganun din sa inyo) ang mala-Nostradamus na prediction na mangyayari daw sa mga kababaehan. Sabi nila (hindi ko alam kung sino sila), sa year 2000 daw ay babae na ang maghahabol sa mga lalake. Grabe noon ang takot ng mga kaklase namin mga babae, halos masuka na sila kapag naiisip nila o nababanggit ‘yan at pinagbabato kami kapag itinutukso namin sa kanila ‘yan. Pero Kung gaano sila noon natatakot ay ganun din kalakas ang tuwa namin, putcha hindi mo na kailangan manligaw pa ika nga nila, kindat lang ang magiging puhunan mo at kunting landi, ayos na ang boto-boto at ang “malaking ugat sa katawan”. Malalasap mo na ang lahat ng klase ng mga “base”. Year 2013 na, mukhang nagkatotoo ang hula ng mga matatanda sa amin, sa palagay niyo?

Noong magbakasyon ako ng Pilipinas, September 2012, mukhang mas lalong malala pa ata ang nangyari. Noon ay ang madalas na kuwentohan namin ng barkada ay tungkol sa mga kanta ni Bryan Adams at Michael Bulton, mga jokes sa gag shows (Super Laugh In at Bubble Gang at Tropang Trumpo at Wow Mali), mga paboritong PBA at NBA teams kasama na mga players, at ang love team ni Judy Ann Santos at Wowie De Guzman. Kung may maisingit man na babae ay tungkol lang ito sa kagandahan nila o kaayosan, nahihiya kami magkuwento noon tungkol sa kahalayan at kalandian.

Sa paguwi ko nga, iba na talaga ang trip nila. Nagulat ako kuya Eddie at napakasakit ang mga narinig ko. ‘yung paboritong topic namin noon na basketball ay napalitan ng basketball sa kama, at 15 years old lang kuya ang nagkukuwento noon sa akin, kasama daw mga barkada niya na hindi rin lalagpas ang edad 15, kuya Eddie seks trip sila. Friends with benefits na pinaggagawa nila, at fling-fling lang daw. Nakanganga lang ako noon, hindi ko alam kung hahanga ako o maawa sa kanila o pagbabatokan ko sila at pagsisipain (dahil ayaw nila ako isama?). Buwesit talaga, samantala noong ako’y 15 years old palang ay nangungulekta pa ako ng mga tansan, mga balat ng kendi, teks, goma at holen, at umaakyat pa sa mga puno ng bayabas.

Buwesit talaga, bakit pa ako pinanganak kahapon? Isama ninyo naman ako sa agos ng buhay ninyo ngayon, LOL.

 Salamat madami sa mga nagbabasa, sa mga nagse-share at lalo na sa mga nag-iiwan ng bakas palagi. Sorry kung hindi ako nakakaganti, may personal akong pinagdadaan...LOL.



Friday, February 1, 2013

BnP sa Damuhan: Ang tulay ng pag-ibig


Isang gabi sa isang probinsiya. Si Namprel dinadamayan ang kaibigang si Dodong na problemado sa buhay pag-ibig niya. Nakaupo ang dalawa sa isang maliit na kubo sa may bukirin ng palay o sakahan.

Namprel:
Pareng Dodong, ayos lang ‘yan. Magagawaan mo din ng paraan yan, ikaw pa, saka hindi natin sigurado kung talagang ayaw sa’yo ni Inday eh, saka mas tisoy ka don kay Mo, lalo na kay mang Kanor at sa palagay ko si Hayden lang naman ang mahigpit na kalaban mo sa kanya eh.

Magkaibigan tunay si Dodong at Namprel at kapatid na ang turing nila sa isa’t isa. Nagsimula ang pagiging matalik nilang magkaibigan nung minsan ay mailigtas ni Dodong si Namprel sa makamandag na ahas nung sila’y nangaso sa kagubatan. Kung hindi agad nataga ng itak ni Dodong ang ahas ay baka natuklaw na ang nakalabas na kuyukot ni Namprel, feeling kasi nito ay isa siyang swag/gangster kaya ganun nalaang siya kung magsuot ng pantalon, hanggang hita. Nakapulubot ang ahas sa isang maliit na puno kaya sakto ang pangil at kamandag nito sa sunog na kuyukot ni Namprel.

Dodong:
Pare, hindi ko kakayanin makita na sa iba mapupunta si Inday, ikamamatay ko ‘yon. Alam mo ‘yan pare, saksi ka kung gaano ko siya pinangarap at pinapangarap. Kahit puta ang tingin sa kanya dito sa nayon natin dahil sa dami na niyang naging nobyo at mga manliligaw ay wala ako pakialaman pare, mahal ko pa rin siya, yun ang importante sa akin, mahal ko siya at alam kong siya ang magpapasaya sa akin. Siya ang magiging ina ng mga magiging anak ko at siya ang tatawagin kong honey my love so sweet, wala nang iba pang mamahalin.

Namprel:
Ang korni mo, hehehe, pero alam ko ‘yon at naiintindihan kita, kung may magagawa lang sana ako. Kung may alam sana akong paraan o teknik sa panliligaw tinuro ko na sana sa’yo, wala akong alam eh, ni-hindi ko nga alam paano manligaw at hanggang ngayon….

Hindi pa natatapos ni Namprel ang sasabihin niya ay natawa bigla si Dodong.

Dodong:
Hanggang ngayon…ay hindi ka pa nagkakasyota, hahahaha, syotahin mo kaya kalabaw mo, hahahaha.

Namprel:
Gago. Huwag mo naman ako pagtawanan, saka lalaki ang kalabaw ko.

Ilang Segundo muna sila tumahimik bago sumabog sa katatawanan.

Dodong:
Paano kasi natatakot sa’yo ang mga babae, nasobrahan ka kasi sa pagka-barako, para kang kapeng barako na nasobrahan sa pait, hindi ka na masarap, ang pait mo na, hahaha. Bawas-bawasan mo kaya pagiging tigasin mo, minsan turn off sa babae ang masyadong tigasin, magpakita ka naman ng kunting kahinaan, yang pagiging barako mo bawasan mo at maglagay ka ng asukal para sumarap ka.

Namprel:
Eh ano gagawin ko ganito talaga ako kung kumilos na parang naglalakad na bakal, at kung magsalita ay parang uulan dahil sa mala-kulog na boses ko. Kung magagawaan lang sana ng paraan ng agham at nang mga eksperto sa medisina para maiba ang mga kilos at pananalita ko, matagal na akong nagpagamot sa kanila noh, kahit maisangla ko pa ang sakahan ko pati mga kalabaw ko, isasama ko pa kapitbahay namin si Mang Dondie.

Nagtawanan na naman ang dalawang matalik na magkaibigan. Mahabang patlang naman ang sumunod na namagitan sa kanila, nakatingin sila pareho sa hubad na kalangitan. Pinagmamasdan ang mga kislap ng bituin na lalong nagpapaganda sa nakakaakit na kalangitan.

Dodong:
Alam mo p’re, paminsan-minsan magkunwari kang natatakot ka din, ‘yung kahit sa ipis o sa alupihan ay takot ka. Minsan kailangan mo sabayan ang trips ng mga babae para makuha mo ang sympathy nila, kasama ang panty. ‘yung maipaparamdam mo sa kanila na naiitindihan mo sila. Naiitindihan mo sila kung bakit sila takot sa ipis, gagamba, daga, alupihan at kung anu-ano pang pinandidirihan nila, ganun.

Nakangiting sinulyapan ni Namprel ang kaibigan.

Namprel:
Diba mas gusto ng mga babae ang lalakeng tagapagtanggol ang tindig at porma, yung parang super hero sa pelikula at mga nobela, na malakas, matapang, walang takot sa mga ipis, ‘yung parang mga bida sa action movies?

Dodong:
Oo, yan ang mga katangian na kadalasan hinahangaan ng babae sa isang lalake, sa pisikal na aspeto ‘yan, crush ang tawag dyan o paghanga. Pero iba ang sa pag-ibig, kung puso ang usapan o pag-ibig, ang mga katangian na hanap ng mga babae ay yung super heroes na may kakayahan makinig sa mga daing nila sa mundo, may kakayahan damayan sila sa oras ng kalungkutan, may kakayahan hawakan at hagkan sila sa dilim at bubulong sa kanila na, huwag kang matakot kasama mo ako. Mareklamo ang mga babae, kaya ang kailangan nila ay tagapakinig o makikinig sa kanila, ‘yung may kakayahan maintindihan sila, may kakayahan maramdaman ang saloobin nila, ganun. Mas epektib yan sa mga babae, weakness nila yung lalaking hindi lang may puso kundi may taenga pa, lalaking may puso at taenga, kuha mo?

Namprel:
Hindi.

Dodong:
ayy ibilad mo sa ilalim ng mainit na araw yang utak mo para maging daing at nang mapakinabangan naman, hahahaha.

Tawanan na naman ang dalawa.

Namprel:
Biro lang, pero tama ka, ang galing mo talaga. Eh paano yan torpe din ako eh, kapag may kausap akong babae lalo na kung gusto ako ‘to? naku po para akong natutunaw na sorbetes sa ilalim ng init ng araw.

Dodong:
Edi ang gawin mo kapag ganun na ang sitwasyon ay padilan mo sa kanya ang sorbetes para hindi masayang. Hahahaha, kung feeling mo natutunaw ka, sabihin mo, oh lady, please I am melting, lick me, lick me baby. Hahaha.

Laugh trip na naman ang dalawang magkaibigan.

Namprel:
Loko-loko ka. Alam mo, kung puwedi lang sana ako magwish na sana maging daan ako o tulay para ibigin ka ni Inday ay gagawin ko. Tutulongan kita sa kanya. Ako ang magiging tulay mo sa puso ni Inday. Malaki ang utang na loob ko sa’yo pare, kaya kung ano man kailangan mo para mapasagot mo si Inday, magsabi ka lang.

Biglang kumidlat na parang flash ng kamera ang kalangitan.

Dodong:
Say kamoooteeeee….piniktyuran na tayo ng langit. Uwi na daw tayo dahil gabi na, magdadrama ka na naman daw. Saka baka maubosan ng gaas ang lampara natin, madilim na oh, at madulas pa sa ilog.

Namprel:
Sige, kita nalang tayo next week. Punta ako bukas sa bayan para ibenta mga ani ko.

Dodong:
Sige, mag-iingat ka at maraming salamat ah, lagi mo ako dinadamayan, huwag kang mag-alala, pagbalik mo e-libre kita ng kamote que at lugaw kay Aling Maria, food trip tayo.

Namprel:
Wala ‘yon parekoy, walang wala ito sa pagsagip mo sa buhay ko…

Dodong:
Pagsagip ko sa kuyukot mo.

Natawa na naman ang dalawang magkaibigan.

Nagngitian sila, nagkatitigan pero dahil sa walang kislap sa mga mata nila, umuwi nalang sila.


~~~Kinabukasan nang 06:09am…~~~


Naglalakad si Dodong na iniisip parin kung paano niya mapapaibig si Inday. Sa kanyang pagmumuni-muni hindi na niya napansin na umabot na pala siya sa ilog. Nangiti siya sa bagong nasilayan ng kanyang mga mata.

“May bagong tulay na pala, kailan pa ito?” sa isip niya.

Habang masayang binabaybay ni dodong ang tulay, nagulat siya dahil natanaw niyang patawid din si Inday na mukhang galing sa palengke dahil nakaayos ito. Una ay natuwa siya, nakangiti siyang pinagmamasdan ang alindog ni Inday habang naglalakad na may bitbit na bayong at peryodiko na nakaipit sa kilikili nito.

Ilang Segundo lang ay nahimasmasan si Dodong mula sa pagpapantasya kay Inday. Kinabahan bigla, hindi niya alam ang gagawin. Patakbo siyang bumalik kaya nauga ang tulay, dahil dito’y muntikan nang malaglag si Inday, buti nalang ay napakapit ito sa taling nagsisilbing hawakan ng tulay. Napalingon si Dodong dahil sa narinig niyang sigaw ni Inday.

Mabilis uli na tumakbo pabalik si dodong kay Inday para isalba ito, kahit alam niyang malaglag man si Inday ay hindi ito mapapahamak dahil mababaw lang ang ilog.

Dodong:
Inday, ayos ka lang ba?

Inday:
Oo, nagulat lang ako dahil sa pagtakbo mo, bakit kasi?

Dodong:
Bigla kasi akong niromansa ng hiya nung makita ka.

Inday:
Ikaw talaga…bakit naman?

Dodong:
Ganun talaga, kapag ang puso ng tao ay nakita o natagpuan o naramdaman ang kaparehas nitong puso ay bumibilis ang tibok nito. Para bagang nag-uutos sa nagmemeari na ilapit dito. Kaya ayun, sa sobrang utos ng puso ko na lumapit sa puso mo, hindi ko tuloy alam ang gagawin ko. Mas nangibabaw parin ang kaba at ang hiya ko sa’yo, kaya tumakbo nalang ako.

Inday:
Pinakilig mo naman ako, parang nararamdaman kong gusto narin ng puso ko na lumapit sa puso mo dahil sa mga winika mo at ginawa mong pagtulong sa akin ngayon.

Natuwa si Dodong sa mga narinig niya, kaya inimbitahan niya si Inday na magmeryenda sila sa lugawan at kamote que-han ni aling Maria mamayang hapon.

Dahil sa pangyayaring iyon ay natuwa din si Inday kay Dodong. Madalas na silang magmeryenda sa lugawan ni Aling Maria, minsan ay sa tulay sila tumatambay at doon kinakain ang kamote que na opkurs bili nila sa tindahan ni aling Maria.

Pagkalipas ng ilang buwan ay nagkaroon na si Inday ng paghanga sa binata, hanggang sa maging pag-ibig na ito, at makalipas ng ilang buwan ulit ay naging magkatipan na sila.


~~~Makalipas ang kalahating taon ulit…~~~

Magkahawak kamay na naglalakad si Dodong at Inday sa ibabaw ng tulay habang pinapakinggan nila sabay ang mga musika ng April Boys sa bagong biling Walkman ni Dodong, tig-isa sila sa headset nito. Mula noon maging sila na ni Inday ay naging special na sa kanila ang tulay na ‘yon. Pinangalan pa ito ni dodong ng “Tulay ng pag-ibig”, dahil dito nagsimula magkalapit at magkakilalanan ang mga puso nila. Sa tulay na’yon tumulay ang pag-ibig ni Dodong patungo sa puso ni Inday.

Kasalukoyan tumutugtog sa Walkman ni Dodong: Honey My Love So Sweet By: April Boys

Bakit ba ako'y laging ganito
lagi akong 'di mo pinapansin
Para na lang akong laging
Sumusunod sa gusto mo
Lagi kitang inaalala
Kahit 'di mo ako pansin
Honey my love so sweet.

Dodong:
Alam mo kung nandito siguro si Namprel, sobrang tuwa non dahil sa nangyari sa atin. Ang ganda ng kanta, hani my lab sooooo swwwiittt.

Kahit ako'y 'di mo pinapansin
Hindi ako nagagalit sa'yo
Pagka't alam ko na ang iyong
Damdamin para sa 'kin
'Di mo lang alam ang aking
Nadarama 'pag kapiling ka
Honey my love so sweet

Inday:
Saan kaya nagpunta ang kaibigan mong si Namprel? Oo nga parang storya natin, honey my love so sweeettt.

Kahit sino ka pa basta't mahal kita
Lagi na lang akong sumusunod sa'yo
Mahal kita at 'yan ay totoo
Honey my love so sweet.

Dodong:
Hindi ko nga alam eh, walang nakakaalam. Kahit pamilya niya hindi nila alam. Lumuwas na nga sila ng Manila para hanapin, baka raw pumunta sa mga kamag anak nila roon. Ewan ko ba saan nagpunta ang gago na ‘yun, mula nung gabing iyon pagkatapos namin mag-usap hindi na nagpakita pa ulit sa akin. Oo nga, ikaw talaga naaalala ko kapag naririnig ko ‘to, alay ko ‘to para sa’yo, hani may lab so swwiitttt..hehehe

Kahit ako'y 'di mo pinapansin
Hindi ako nagagalit sa'yo
Pagka't alam ko na ang iyong
Damdamin para sa 'kin
'Di mo lang alam ang aking
Nadarama 'pag kapiling ka
Honey my love so sweet.
 
Inday:
Huwag kang malungkot honey my love so sweet, dahil kung saan man siya ngayon sigurado ako na kaligayahan mo parin ang hangad niya. Mahal na mahal kita Dodong ko.

Kahit sino ka pa basta't mahal kita
Lagi na lang akong sumusunod sa'yo
Mahal kita at 'yan ay totoo
Honey my love so sweet

Dodong:
Alam ko honey my love so sweet, salamat. Mahal na mahal din kita Inday ng buhay ko.

Lumakas ang tugtog...

Walang ibang mahal kundi ikaw lamang
Sabihin mo sa akin ako'y mahal mo rin
O giliw ko ako ay pakinggan mo
Honey my love so sweet
Honey my love so sweet
Honey my love so sweet
 
At nagkatitigan sila, nag-usap ang kanilang mga mata, nagbulungan ang kanilang mga puso, at unti-unti nang nagdikit ang mga labi nila habang patapos na ang kanta ng April Boys sa Walkman ni Dodong.


SEMI END


~~~~Flashback~~~~~

Noong gabing pauwi na ang magkaibigan…

Dodong:
Sige pare mauna kana, dito nalang ako dadaan kasi titingnan ko pa ‘yung kalabaw ko. Ingat ka sa ilog may nagpapakita daw don, hahaha

Namprel:
Gago. Nanakot ka pa, tagain ko pa magpapakita sa akin eh. hahaha.

Nang umabot na sa ilog si Namprel ay biglang may lumabas na nilalang sa harapan niya, totoo nga ‘yung winika ng kanyang kaibigan.

Natatakot na Namprel:
Sino ka??? *Gulat* aahhh!!!


UNN (Unidentified Na Nilalang):
Ako ang wish master pinoy bersyon 2.0 kaya korni at OA, huwag kang matakot, hindi ako kaaway, nandito ako para tulongan ka at tuparin ang hiling mo.

Takot parin na Namprel:
aaahhhh!!! Sino ka???

UNN:
Isa akong kai…kaibi..kaib..,narinig ko kanina ang hiling mo para sa kaibigan mo. bwehehehe

Namprel:
Hiling ko? ‘yong hiniling ko na sana maging tulay ako sa pag-iibigan nila ni Inday?

UNN:
Sakto, at good news dahil matutupad ‘yon.

Namprel:
Paano?

UNN:
Ito ang bato, lunokin mo at hilingin mo ‘yon.

Wala nang kung anu-ano pang shit si Namprel sa isip niya, ang tanging umiikot lang don ay ang kagustuhang matulungan ang kanyang matalik na kaibigan, ang kagustuhang makaganti ng utang na loob sa kanya. Kaya hindi na nagdalawang isip pa ay kinuha na ang bato, isinubo at agad-agad nilunok.

UNN:
Huwag kang sisigaw ng darna!!!

Namprel: *Nakapikit ang mga mata*
Sana maging tulay o daan ako para ibigin ni Inday si Dodong.

KIDLAT

HANGIN

ULAN

HANGIN

KIDLAT


KULOG

At ilang sandali pa ay binalot ng makapal na usok ang paligid, nagkantahan ang mga palaka, nagsayawan ang mga isda sa ilog, nagpatugtog ng musical instruments ang mga kuwago at tatapusin ko na ito dahil ang korni at OA na at pasensya na. Hanggang sa unti-unti nang nagiging tulay si Namprel, literal na tulay ng ilog.

*Tumunog ang stupid love ng SALBAKUTA*


THE END