"Honey, gusto kong mag blog ka pa tungkol kay INA...." Sabi ng Heaven ko habang kausap ko sa SKYPE. Sinagot ko naman siya ng parang si Neneng B. ng bubble gang,
"BAKIT?"
"Eh kasi, hindi ko masyado nakilala si INA. Hindi kami nagkasama ng matagal, alam ko kung gaano siya kabait pero gusto ko pa siyang makilala sa pamamagitan ng mga kuwento mo." Mahabang sagot sa akin ng aking Heaven.
Simpleng ngiti lang ang iginante ko sa kanya, siyempre ang kyut ko sa simpleng ngiti na 'yun. "Oo nga..." 'yan ang namutawi sa aking isipan kasabay nito ang pagkirot na naman ng puso ko. Pero dahil sa sira ang facial expression ko, nanatili parin akong nakangiti sa harap niya kahit parang gusto kong sumigaw ng "Halleluujaaahh!!!! Sinong sawa, sinong galit, sumigaw ngayon gabi.....", kung puwedi lang sana, parang ang sarap lang magwala.
Hindi madali sa aking ngayon ang pagkukuwento tungkol sa aking INA. Masakit, nakakapuwing ng mata at may lumalabas na likido rito, at nakakasikip ng dibdib, nakakatulo pa ng uhog. Hindi kasi ganun kadali maghugot ng mga alaala na kasama mo ang pinakamamahal mong nilalang sa buong mundo na alam mo naman na wala na siya.
Pero kailangan ko din ito, kailangan ko ng karamay dito sa ibayong dagat, kahit hindi tao.
Ang blog ang nagsisilbing comfort zone natin mga bloggers, lalo na sa tulad kong isang OFW. Wala akong karamay dito, walang kamay na hahagod sa likod ko tuwing humihikbi ako, walang tatapik sa balikat ko para patahanin ako, walang magbibigay ng yakap sa tuwing nanghihina na ako, walang magic touch.
Ngayon ko lang napagtanto kung gaano ko ka-kailangan ang blog ko, mahilig ako magsulat, magkuwento, kaya ito ang magiging sandata ko para magkaroon ako ng invisible na mga kamay na hahagod sa likod ko, yayakap sa akin at tatapik sa balikat ko. Kailangan ko ang blog na ito, para damayan ako sa pinagdadaanan ko ngayon. Kaya mula ngayon, may bagong series ang Akonilandiya na tatawagin kong "Drama-rama sa Akonilandiya."
Teka, nasaan ang kwento doon tungkol sa aking INA? Nandito na....maghahanda na.
Note: Sorry sa mga nasanay na sa mga kalokohan at mga guni-guning kwento ko. At off comment muna ako, dahil I am sure maiiyak lang ako sa mga sasabihin ninyo. Pero kung hindi ka makapagpigil, email me here mhabib69x@gmail.com or twit me here @Akoni0609. Thanks.
No comments:
Post a Comment