Uncle Antao o Antao ang tawag ko sa kanya, siya ang pinakapaborito kong tito, dahil siya lang naman ang nakilala kong tito ko, nasa iba’t ibang sulok kasi ng daig-dig ang iba kong mga tito, ewan ko sa kanila, kung saan man silang lahat, dun na sila.
Mekaniko siya, pero di lang basta mekaniko, napakagaling niya. Ang dami niyang costumers, as in laging puno ng mga sasakyan ang shop niya, wiring ang specialty niya, basta isa siya sa pinakasikat na mekaniko sa lugar namin, halos lahat ay kilala siya.
Napakabait niyang tao, kahit adik siya, oo adik siya sa drug na shabu at alak (tanduay paborito niya), kanin sa kanya ang shabu at sabaw niya ang alak, kung may pakontest na pinaka-adik sa buong mundo, irerekomenda ko siya. Gabi-gabi lagi siyang lasing, sa araw naman ay lagi siyang high sa drugs na shabu. Ganun lang ang routine ng buhay niya, umaga singhot ng shabu, gabi inom ng tanduay.
Kaya nasanay na akong nakikita siyang gumagapang pauwi, ang hindi ko malimutan na mga eksena niya tuwing lasing eh, kapag natutulog na ay bigla nalang babangon, tatayo sabay bukas ng zipper niya, wooossshhhhhh…umiihi siya sa kama nila, laugh trip nalang ako, hahahaha, sabay tawag sa asawa niya, “tita anak mo, naihi na naman sa kama niyo”. Ganun yon paglasing, kahit saan abotan ng ihi, tatayo, bubuksan ang zipper, wwooossssshhh…kahit saan sulok ng bahay, hahaha, sa sofa, sa tokador, sa lamesa, basta halos lahat ng sulok ng bahay ay naiihian na niya.
Hhaayyy namimiss ko siya.
Pero kahit ganun siya, hindi naman siya nagwawala, kaya ‘di kami natatakot sa kanya. Minsan nga mas gusto ko at ng mga pinsan ko na lagi nalang lasing eh, kasi kinukuha namin ang pera niya sa bulsa na walang kamalay-malay. Sobrang galante pa niya mamigay ng pera kapag lasing, kahit magkano ang madukot ibibigay sayo lahat at ang maganda dun, kinabukasan hindi na niya babawiin yon sayo, alam kong alam niya un at naaalala niya, pero sadyang mabait lang talaga ang uncle antao ko.
Siya ang takbohan ko kapag nagastos ko ang pambayad ko sa boarding house ko, siya ang takbohan ko kapag nagamit ko ang pera para sa projects ko, siya ang takbohan ko kapag kailangan ko ng pera na pang-date, at siya ang takbohan ko kapag gusto kong maglasing.
Nung last na uwi ko, nagkita kami, nagbago ang adik, ang laki ng pinagbago niya, nakita ko sa kanya ang anyo ng pagbabago, tinigil na niya lahat ng bisyo niya. Naging isang banal na siya, nangiti nalang ako at nasabi sa sarili ko na, “Iba talaga kapag tarantado ang nagbago, nagiging banal at makadiyos”.
Pero hindi ko alam, yun na pala ang huli namin pagkikita. Kahapon nabalitaan ko, pumanaw na si uncle Antao, hirap ako magsalita habang binabalita nila sa akin. Naramdaman ko nalang na unti-unting napupuno ng luha ang mga mata ko hanggang sa maging blurred na ang paningin ko at tuloyan na umagos ang luha ko.
Bumalik sa aking isipan ang lahat ng mga alaala na magkasama kami, ganun pala kapag sobrang mabait sayo ang isang tao. Kapag nawala ito, naluluha ka nalang at parang babalik sa isipan mo ang nakaraan kung saan magkasama pa kayo.
Natutuwa parin ako, dahil kinuha siya ng DIYOS na may pananampalataya na sa kanya!
Uncle Antao, alam kong huli na ‘to. Mahal kita Uncle Antao, maraming-maraming salamat, kahit kailan ay hindi kita makakalimutan.
P.S.
Buti nalang nagbago kana bago ka kunin ni LORD, kasi kung nagkataon, kawawa ka, walang shabu at alak dyan.