1:15 am, nandito ako ngayon sa tuktok ng kingdom tower ng Saudi Arabia, pinagmamasdan ang malawak na syudad. Maganda ang tanawin dito, namiss ko ang lumipad kaya ito ngayon palipat-lipat sa mga building. Isa akong bampira na pilit na nagbabago at kinakalimutan ang mga nagawang kasalanan sa mga tao.
Nandito na naman ako tuktok ng Faysaliah tower, nakapikit ang aking mga mata, wala akong ibang marinig at maramdaman kundi ang pagtibok ng aking puso at ang hangin na humahampas sa aking mukha.
Mahigit isang taon na pala mula noong talikuran ko ang pagiging bampira ko. Hindi ko man naibalik ang dating imahe ko bilang tao, malaya naman akong kontrolin ito. Bampira parin ang aking katawan, nananalaytay parin sa akin ang dugong bampira pero ang kaluluwa at pagkatao ko ngayon ay tao na, hindi na ako umiinom ng dugo, hindi na ako nanlilinlang at hindi na ako nambibiktima ng mga walang kalabanlaban.
Malaya na ako ngayon wala na ang konsensyang sumisira sa aking pagkatao at masaya ako dahil kaya ko nang pigilan ang tawag ng dugo. Minsan pilit na lumalabas ang mga pangil ko pero nagagawa kong pigilan ito, matagal na panahon narin ako nagtitiis sa sumpang naibigay sa akin noong kabataan ko pa.
Namumutawi sa aking isipan ngayon kung paano nag-umpisa ang sumpa sa akin, paano ako naging bampira. Ang pinsan ko ang nagbigay sa akin ng sumpa kasama ang kanyang kaibigan. Dose anyos ako noon nang ako’y kanilang kagatin, binigay nila sa akin ang sumpa ng pagiging bampira, tinuruan upang maging magaling na bampira. Sa murang edad, naging sakim ako sa tawag ng dugo. Wala ako noon kakayahan kumuha ng dugo sa mga tao dahil masyado pa akong bata, kaya ang pinsan ko ang nagbibigay sa akin ng dugo. Minsan isinasama niya ako at pinapakita sa akin kung paano sila mambiktima at sumipsip ng dugo. Minsan nagdadala ang pinsan ko ng tao sa bahay at hinahayaan akong mapanood kung paano niya lapain ang nilalang. Kitang kita ko kung paano niya sip-sipin ang dugo ng biktima niya, at kitang kita ko kung gaano siya nag-eenjoy sa kanyang ginagawa. Tinatago niya ako sa loob ng kabinet upang mapanood at pagmasdan ang ginagawa niya sa kanyang mga biktima, pagkatapos ay laging sinasabi sa akin na balang araw ay magiging mahusay akong bampira, basta tatandaan ko lang daw ang mga nakikita kong ginagawa niya.
Isang araw, nagising akong uhaw na uhaw, wala ang pinsan ko kaya natulog nalang ako ulit upang mapigilan ang pagkauhaw ko pero pagkagising ko ulit uhaw parin ako, hindi ko na mahintay ang pinsan ko, uhaw na uhaw ako.
Unang pagkakataon kong maramdaman ang ganun na pakiramdaman, nag-iinit ang buong katawan ko at parang sasabog ang aking ulo. Parang ikamamatay ko kapag hindi ako nakainom ng dugo, nagtago ako sa ilalim ng aking kama para hindi makakita ng tao, hinihintay ko ang akin pinsan dahil siya ang nagpapainom sa akin ng dugo, pero hindi siya dumating. Kailangan kong gumawa ng paraan para mawala ang aking pagkauhaw.
Sadyang kapalaran ko na talaga ang maging isang malupit na bampira, sa aking pagtitiis na huwag lumabas ng bahay upang hindi makapambiktima ng tao, biglang may kumatok sa amin pintuan. Mag-isa ako noon sa bahay wala si nanay at tatay, parehong nasa trabaho.
Patakbo kong binuksan ang aming pinto sa pag-aakalang yon na ang pinsan ko, pero nagulat ako dahil hindi siya, isang may maamong mukha na babae. Kaibigan pala siya ng nakakabatang kapatid ng aking pinsan. Wala akong kasama sa bahay kaya sinabi kong pumasok na at maupo nalang muna at hintayin ang pinsan ko dahil nasa eskwelahan pa. Umakyat ako sa aking kwarto, gusto ko siyang sunggaban at kagatin, sipsipin ang kanyang dugo, pero tiniis ko.
Nasa kwarto ako na nanginginig dahil sa pagpipigil kong kagatin siya, pero nabigla akong nang makita kong nakatayo sa may pintuan ko, pinagmamasdan ako na tila nagpapaangkin sa akin. Tinatikuran ko siya ngunit naramdaman kong lumapit sa aking likoran, naramdaman kong parang kumukulo ang aking dugo, ang mga pangil ko ay sa unang pagkakatao unti-unting nang lumalabas, lumakas ang aking paghinga, nanginginig parin ang buong katawan ko. Ilang saglit ay naramdaman kong kinalabit niya ang aking balikat.
Nilingon ko siya at sinunggaban...masarap ang unang kagat, tama ang pinsan ko magiging magaling akong bampira at 'yun nga ang nangyari.